Alaala
Minsan sa himbing ng gabi
Nakita ang iyong mga mata sa dilim
Puno ng pangungulila’t Labis ang hinagpis
Na tila binabalot ng pait ng unang sakit
Ninais kong pawiin yaring luhang nangingilid
Ninais kong tugunan ang mga nanlalabang titig
Ngunit isang hakbang ng paa ko’y
Patungo sa bangin ng parusa ng kahapon
Alaala ng pait ng huling pagkalas
Ng mga pusong kapwa nangungulila
Sa init ng damdaming wagas
Na tila nilamon ng kahapong tabak
Patawad o mahal ko
Sa panahong ika’y nilisan ko
Dama ng puso ko ang tinik ng desisyon
Na ika’y palayain, tuluyan ng lumayo
Ngunit batid mo rin kung anong hapdi
Ang dulot na sakit ng iyong pagkukubli
Mundo ko’y biglang nabalot ng pighati
Araw ay naging gabi na pinuno ng hikbi
Ngayon sa ating pagkikitang muli
Tanaw pa rin ang sugat na naglalagi
Ilang araw, ilang gabi,
Ilang pagtangis man ang dumating
Handa ang puso na ito’y indahin
Hawak pa rin ang pangakong tinig
Na darating ang gabi ng pagbuong muli
Ng dalawang pusong nahati’t nawalan ng himig.










